Mga Pahina

Martes, Hulyo 28, 2015

Ang Estado ng Wikang Filipino

Sa pananaliksik at panulat ng mga mag-aaral na sina Banzon, Buenaventura, Catapang,Delmo, Destajo, Gallos, Mendoza, Silvestre, Singson, Cabreros, 
De Leon,Villongco, at Barrameda

Editor: Nicolas Completo Gaba Jr.



Sisimulan ang papel na ito sa pamamagitan ng isang paglilinaw na dapat mabigyang-konsiderasyon. Ang paglilinaw na ito ang magsisilbing saklaw at limitasyon ng pagsusuri na ito. Una, tinatangka ng papel na ito na mailahad ang ilan sa mahahalagang ideya na inilahad sa isang segment ng Investigative Documentaries na unang ipinalabas sa telebisyon noong Agosto 7 ng taong 2014. Ikalawa, ilalahad din sa papel na ito ang personal na pananaw at emosyon ng mga mananaliksik tungkol sa tinatalakay na paksa ng nabanggit na dokyumentaryo.

Una, nililinaw ng papel na ito na hinango sa dokyumentaryo na binanggit sa itaas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wika sa isang tao at isang bansa na nagsisilibi bilang pagkakakilanlan o identidad nito. Partikular na mapupuna na sinasalamin ng wika ang kultura ng isang bansa. Sa teksbok.blogspot.com (2010) isinaad ang tuwirang ugnayan na wika at kultura. Na ang wika bilang kultura ay koliktibong kaban ng karanasan ng tao sa tiyak na lugar at panahon ng kaniyang kasaysayan. Na sa isang wika makikilala ng bayan ang kanyang kultura at matututuhan niya itong angkinin at ipagmalaki[1]. May symbiotic relationship ang wika at ang kultura, kung walang kultura maaari na walang maituring na wika na sa kabilang banda, sinasalamin naman ng kultura ang anomang wika, vice versa.

Habang sa pananaw ni Prop. Jimuel Naval, kilala na dalubhasa sa wika at kulturang popular, na nakapanayam at naging bahagi ng dokyumentaryo, kung pakasusuriin, ang wika ay nagsisilbing kaluluwa ng isang bansa at tanda ng kasarinlan nito. Upang makita ang kahalagahan at kabuluhan ng wika epektibo na gamitin natin na kasangkapan ang dulog deconstruction, kung mawawala ang wika, walang kaluluwa ang ating bansa, walang buhay at walang palatandaan ng kasarinlan.

Maliban dito, sa panayam (2015) sa isang kasalukuyang propesor sa Pamantasang De La Salle na si Dr. Genevieve Asenjo binanggit niya na ang wika ay binigyang kahulugan ng sosyalistang German na si Karl Marx bilang kamalayang praktika (practical consciousness) na ang nais sabihin ang wika ang puwersa na nagtutulak sa tao para gumawa o lumikha[2]. Sa madaling sabi, ang wika ang nagtutulak sa bawat indibiduwal upang kumilos.

Sa piling bahagi ng sanaysay ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura na si Bienvenido Lumbera (2007) ipinahayag niya na parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito. Palatandaan ito na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapuwa nating gumagamit din dito. Sa bawat pangangailangan natin ay gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang kailangan natin—kung nagugutom, humihingi ng pagkain; kung nasugatan, dumadaing upang mabigyan ng panlunas; kung nangungulila, humahanap ng kausap na makapapawi sa kalungkutan.[3] 

Sa naging pahayag na ito ni Lumbera, makikita ang kabuluhan at saysay ng wika. Nagiging kasangkapan ang wika upang maipahayag at maipabatid ang pangangailangan ng bawat indibiduwal. Usapin ng survival ang wika. 

Samantala, ang wika ay mahalagang iugnay sa literasiya lalo na kung susuriin ito bilang mahalagang aspekto ng edukasyon, politika at ekonomiya ng bansa. Ang literasiya ay hindi lamang pagkatuto kundi pagkatuto sa wika upang maging kapaki-pakinabang ang mamamayan sa lipunan.[4]

Pinagbatayan ng dokyumentaryo ang ilan sa mahahalagang estatistika na naging resulta ng mga nagdaan na National Achievement Test o NAT na pangkaraniwang panukatan ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa antas ng elementarya at sekondarya sa sistema ng edukasyon sa bansa sa mga taon na 2011 hanggang 2013.

Isinaad na noong taong 2011 sa antas ng elementarya nasa 76.44 na bahagdan ang average score ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino habang 65.11 na bahagdan ang average score sa English sa parehong taon. Mula sa estatistika, mahihinuha na malaki ang kaibhan ng marka ng dalawang asignatura, higit na mas mataas ang marka sa NAT ng asignaturang English sa nabanggit na taon.  

Subalit sa sumunod na taon (2012), ang dating 76.44 na bahagdan ng average score ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino ay biglang bumagsak sa 69.15 na bahagdan sa antas ng elementarya. Samantalang ang dating 65.11 na bahagdan ng average score ng mga mag-aaral sa asignaturang English ay bahagyang tumaas sa 66.27 na bahagdan sa antas pa rin ng elementarya; at noong taong 2013, ang dating 69.15 na bahagdan ng average score ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino ay umakyat sa 72.41 na bahagdan sa antas elementarya. Habang ang dating 66.27 na bahagdan ng average score sa English noong 2012 ay naging 67.12 na bahagdan naman. 

Mula sa estatistika, mahihinuha na hindi stable ang kalagayan ng literasiya sa asignaturang Filipino ng mga mag-aaral na nasa elementarya, tumataas-bumababa-tumataas, na taliwas sa asignaturang English. Mapapansin na sa mga nabanggit na taon, patuloy na tumataas ang average score ng mga mag-aaral sa antas elementarya sa asignatura na English.

Dagdag pa, sa National Achievement Test ng ikatlong baitang noong taong 2013 pa rin, higit na mababa ang resulta na marka ng mga mag-aaral sa elementarya sa asignaturang Filipino na 53.38 bahagdan sa pagbasa at 56.43 bahagdan sa pagsulat. Habang 57.51 bahagdan sa pagbasa at 62.86 na bahagdan ang average score ng mga naturang mag-aaral sa asignaturang English.

Sa antas ng sekondarya, lumalabas sa naging reuslta ng National Achievement Test na nasa 58.04 bahagdan lamang ang average score ng mga mag-aaral sa Filipino sa asignaturang Filipino noong tong 2013 na higit na mas mataas kaysa 53.04 na bahagdan na average score sa asignaturang English. Dahil dito, nakababahala para sa mga dalubhasa sa wika at sa akademiya ang resulta na ito lalo na sa pananaw ni Dr. Michael San Juan na siya ring tagapangulo ng Tanggol Wika.

Nakababahala ang sinasabi ng resulta ng National Achievement Test dahil nangangahulugan ito na mababa ang pagkaunawa ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino na kung tutuusin, inaasahan na mas mataas sana ang average score ng mga mag-aaral sa asignatura na Filipino na ang pangunahing midyum sa pagtuturo (medium of instruction) ay ang wikang Filipino mismo.

Pagbabalik sa Kasaysayan

Pahapyaw na tinalakay sa dokyumentaryo ang ilan sa maituturing na mahahalagang mga pangyayari sa kasaysayan ng pagkakaroon at pagtatatag ng wikang Filipino. Mahaba, masalimuot at patuloy na nagbabago ang wikang Filipino sa sumasalamin sa kasaysayan nito na nabanggit ni Dr. Virigilio Almario, isang Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura, napakalaki na ng kaibahan ng wikang Filipino mula sa mga unang panahon nito. Mailalarawan sa paraan na may dilemma ang kasaysayan ng wikang Filipino. Dulot ng pagpapalit ng administrasyon, mapupuna na may mga bahagi ng kasaysayan na napapabayaan ang pagpapabuti ng wikang Filipino na hindi naman maitatanggi na may mga bahagi rin sa kasaysayan na mababakas ang pagkalinga at pagmamalasakit sa nasabi pa ring wika.

Maiuugnay ang kasaysayan ng wikang Filipino sa kasaysayan ng kasalukuyan na Komisyon sa Wikang Filipino. Sa isang artikulo na nasa opisyal na website ng komisyon ang unang isinulat ni Direktor Heneral Roberto Añonuevo una niyang tinanong ang katotohanan ng pagkakasaad ng “Filipino as the National Language 1935” sa pinakabagong dalawampung pisong papel na umiiral sa Pilipinas.

Tuwiran niyang sinabi na hindi makatotohanan ang mga kataga na ito na nasa dalawampung pisong papel. Inihayag ni Añonuevo Hindi na hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas na naging daan upang umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin)[5].

Sa punto na ito ni Añonuevo, kung noong 1935 ay itinakda pa lamang o tinagubilinan pa lamang ng noon ay dating Pangulong Manuel L. Quezon ang asemblea na gumawa ng hakbang maliwanag na walang kahit anong institusyon at/o ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa rito. Lalo wala ring maituturing na pambansang wika sa panahon na ito. Bagkus noong taong 1937 pa lamang naideklara ang wikang Tagalog bilang kauna-unahang wiika na sinasabing magiging batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas[6]

Milestone na maituturing ang pangyayaring ito na naging simula pa lamang nang mahaba na kasaysayan ng wikang Filipino. Noong taong 1959, sa pamamagitan ni Kalihim Jose Romero, kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon tinawag na “Pilipino” ang “Wikang Pambansa” ng Pilipinas. Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.”

Matapos “magtagumpay” ng rebolusyong EDSA, noong 1986, nakiisa ang noon na Surian ng Wikang Pambansa sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986 na kabubuo pa rin lamang noon, at sa nabanggit na konstistusyon, kinilala sa katawagan na Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas. Inilakip sa naturang saligang batas na ang wikang Filipino ay marapat na linangin, pagyabungin at papagyamanin na itinatagubilin din na marapat itong nakasalig sa mga katutubong wika na umiiral sa bansa.

Ganito ang tuwirang sinabi ng Artikulo XIV ng Saligang Batas 1987 patungkol sa kikilalanin na wikang pambansa ng Pilipinas:  
“SEK.6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod.”[7] ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Ang Mag-aaral bilang Biktima ng Sistemang Edukasyonal

Nabanggit sa dokyumentaryo ang ilan sa mga kautusang tagapagpaganap at/o pang-ehekutibo na ipinatupad sa mga nakaraang administrasyon na patungkol sa paggamit ng wikang Filipino bilang medium of instruction o wikang pangunahing panturo sa alinmang antas sa sektor ng edukasyon patunay na ang itinatagubilin ng kasalukuyang konstitusyon umiiral. Nakatutugon ang tagubilin ng saligang batas sa pagpapaunlad ng wikang Filipino na kabaliktaran sa itinatakda ng Executive Order No. 210 na mistulang pagtalikod sa wikang Filipino bilang wikang panturo bagkus ang pagtangkilik sa wikang English at paggamit dito bilang medium of instruction sa mga paaralan na ipinalabas noong 2003 sa panahon ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Makalipas ang sampung taon, msitulang nauulit ang madilim na kasaysayan sa wikang Filipino, ipinalabas ng Commission on Higher Education ang CHED Memorandum No. 20 na nag-aalis sa mga asignaturang o disiplinang Filipino at Panitikang Filipino sa antas ng tersiyarya. Nagbunsod ang naturang memorandum ng tensiyon sa loob ng akademiya lalo na sa tersiyarya. Sa pananaw ng ibang mga iskolar, pinapatay nito ang oportunidad ng maraming mga nagtuturo sa kolehiyo, isang malawakang pagkawala ng hanapbuhay.[8]

Maliban sa pagpatay sa oportunidad at hanapbuhay ng maraming mga guro sa kolehiyo, ito ay tuwiran ding pagpatay sa matagal na panahong pinanday na wikang Filipino.
Upang masukat ang kasanayan ng mga mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino, isang eksperimento ang isinagawa na nakapaloob sa dokyumentaryo. Sa nabanggit na eksperimento, aalamin kung may kakayanang tumbasan ng katawagan sa Filipino at English ang mga larawan na ipakikita sa mga respondente. Ang mga respondente ay mga may-aaral na nasa ikatlong baitang sa isang hindi pinangalanan na paaaralan na ang ginagamit na wikang panturo ay ang wikang English.

Lumabalabas na nasa 90 bahagdan ang average score ng mga respondente sa English samanatalang 77.5 bahagdan lamang sa Filipino. Lumalabas din na lahat ng mga mag-aaral ay naunang sumagot sa wikang English kaysa Filipino. Gayundin, 90 bahagdan ng mga mag-aaral ay alam o unang nabatid kung ano ang tawag sa wikang English at nababatid ang tawag sa katawagan sa Filipino ng mga bagay na ipinakita sa eksperimento.

Bilang pagpapaliwanag pa rin Dr. Buenvenido Lumbera ang senaryo na ito ay hindi nakapagtataka sa kadahilanan na maging sa loob ng kinamulatan at kinalakihan na tahanan, mas una at higit na sinasanay ang mga bata na makipag-usap na ang wikang English ang ginagamit na sinasalungat ng ilan pa rin sa mga dalubhasa sa wika.

Ipinahayag ng ilan sa mga dalubhasa sa wika na sina San Juan, Naval, Almario at Lumbera na hindi marapat at katanggap-tanggap na sa wikang English unang matuto ang mga mag-aaral lalo na at walang maayos na sistema ng pagtuturo ng wika ang umiiral sa Pilipinas, nakikita ito bilang isang malaking problema para kay Naval. Maling ideya rin para kay Naval na aralin ang wikang English bilang unang wika o first language, marapat na aralin ito bilang second language lamang sa kadahilanan na hindi ito ang mother tongue language ng mga Pilipino.

Samantalang binigyang-diin ng nabanggit na mga iskolar lalo’t higit ni Almario na ang wika ay pinag-aaralan taliwas sa ideolohiya ng iba na hindi na marapat pang pag-aralan at pagtuunan ng pansin ang wikang Filipino sa kadahilanan na likas ito sa ating mga Filipino. Kung babalikan, una ng sinabi sa papel na ito na nakaugat sa kultura ang wika at ang kultura ay inaaral.

Pagsipat

Sensetibong usapin ang Filipino. Mula sa proseso ng pagkakapili rito bilang wikang pambansa hanggang sa kasalukuyan. Bilang isang Filipino na gumagamit ng wikang Filipino, isa sa inaasahan sa atin na lingapin, pangalagaan at pahalagahan ang wikang Filipino. Kung nagsisilbi bilang kaluluwa at identidad ng isang bansa ang isang wika at hahayaan natin na isantabi, unti-unting mamatay ang wikang Filipino, sa ganitong senaryo, hindi natin maitatanggi na tayo na rin mismo ang pumatay sa sarili nating mga kaluluwa at bumura sa sarili nating identidad.

Kapuwa mahalaga ang wikang English at lalo na ang wikang Filipino sa pang-araw-araw natin na pamumuhay at pakikibagay sa lipunan na kinabibilangan natin. Hindi natin itinatanggi ang kapakinabangan ng wikang English bilang wika na higit na ginagamit sa usapin ng edukasyon sa bansa lalo na sa disiplina ng Science at Mathematics. Maliban dito, maging sa usapin ng globalisasyon, ganoon na lamang ang pagpapahalaga sa wikang English. Totoo na mahalaga ang wikang English ngunit hindi ito pasaporte na talikuran natin ang wikang Filipino. Bagkus, marapat na papagyamanin muna natin ang wikang Filipino na wika na maituturing nating kaluluwa at wika ng ating identidad, ang pagtitiyak sa kabutihan nito, ang pagtitiyak sa ikauunlad na ito at ang pagtingkilik sa wikang Filipino ang unang marapat nating isaalang-alang. Pagbutihin ang sistema ng pagtuturo ng wika sa bansa.

Nasa panganib ang wikang Filipino, tayo lamang ang makapagsasalba rito. #


[1] http://teksbok.blogspot.com/2010/08/kahulugan-at-katangian-ng-wika.html
[2] Papel na binasa sa Pambansang Seminar sa Pagtuturo ng Panitikang Gender-Based ng Komisyon sa Wikang Filipino sa GSIS, Teatro GSIS-Pasay, Mayo 6, 2015
[3] Lumbera, Bienvenido. (2007).  Ang Wika ay Kasangkapan ng Maykapangyarihan: Ang    Wika    Bilang    Instrumentong    Politikal  nasa  http://avhrc-kultura.blogspot.com/2007/08ang-wika-ay-kasangkapan-ng.html.
[4] Nasa pahina 64 ng librong Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan na pinamatnugutan nina Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza, University of the Philippines Press, 1996.
[5] http://kwf.gov.ph/test/kasaysayan/
[6] http://kwf.gov.ph/test/kasaysayan/
[7] http://www.gov.ph/downloads/1987/02feb/19870211-Konstitusyon-CCA.pdf
[8] http://varsitarian.net/filipino/20140822/pag_aalis_ng_filipino_sa_kurikulum_ng_kolehiyo_tinutulan