Ang mga Alaala ni Abner
Sa panulat
nina Maria Harnet Delmo at Russel Anne Silvestre
Isang matandang lalaki
ang nakaupo sa isang lumang kama. Siya si Abner. Kanina pang nakatingin sa
bintana. Nasilayan ang sikat ng araw. Tumatagos sa malalaki at maliliit na mga
dahon ng iba-ibang puno. Nakita niya ang mga paruparo. Malayang nakalilipad.
Naglalaro. Naghahabulan sa hangin. Naririnig din niya ang huni ng mga ibon.
Iba-ibang lahi ng ibon. Paminsan-minsan, naririnig din niya ang matinis na
ingay na nagmumula sa mga kawayan. Unti-unting bumalik ang mga piraso ng
kaniyang alaala.
Inilipat niya ang
kaniyang paningin sa kisame. Kulay puting kisame. May mantsa na kulay dilaw. Nakita
niya ang pinakamalapit niyang kaibigan. Nakita rin niya ang isang grupo ng
batang lalaki. Kinakantiyawan ang matalik niyang kaibigan. Sabay-sabay na
nagtatawanan. Nakita rin niya ang kaniyang sarili. Papalayo sa tagpong iyon.
Nagmamadaling lumayo. Sunod-sunod ang malalaking hakbang.
Nagpatuloy ang kaniyang
paglalakad. Nakita niya ang mangilan-ngilan na nagkukumpulang mga tao sa isang
bahagi ng lungsod. Nagsisigawan. Nagtatawanan. Maririnig ang ilang masasakit na
salita. Lumapit siya bagaman at natatakot. Nakita niya ang isang matandang
lalaki. Duguan ang suot na mangitim-ngitim na puting damit pang-itaas. Duguan
din ang kaniyang ulo. Gasgas ang kaniyang mga siko. Nakalugmok. Hindi niya alam
kung ano ang nangyari sa matanda. Narinig niya ang paisa-isang sigaw ng
taumbayan.
“Magnanakaw! Magnanakaw!
Magnanakaw!” sunod-sunod na sigaw ng isang talubata na lalaki. Galit na galit.
Nang akmang pupulot ng isang bato para ibato sa matanda kaagad tumakbo si Abner.
Tuloy-tuloy siya pagtakbo. Mabilis na mabilis. Hingal na hingal siya. Pilit
nililimot ang mukha ng matanda.
Habang tumatakbo, may
nakasalubong siyang isang babae at isang lalaki. Magkarelasyon marahil.
Malambing sa bawat isa. Narinig niyang nagsalita ang babae. Napahinto siya sa
pagtakbo.
“Nag-resign na ako sa
trabaho para matiyak ko na ang lahat ng panahon ko ay maitutuon ko lamang sa
‘yo,” ang sinambit nang malamig na tinig ng babae. Walang naging tugon ang
lalaki. Nanatili siyang nakahinto
samantalang nagpatuloy sa paglalakad ang babae at ang lalaki na kaniyang
nakasalubong. Siya si Abner.
Naaalaala niya ang lahat.
Ang batang lalaki, ang talubatang lalaki na akmang mambabato sa matanda sa
lungsod, at ang lalaking kasama ng babae. Siya si Abner. Punong-puno siya ng
pagsisisi.
Sa wakas, ipinikit niya
ang kaniyang mga mata, pagod na pagod na siya. #
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento