Ang Karton at ang Lata
ni John Arnon Catapang
Iminulat ko ang mga mata ko. Nakita
ko ang isang lalaking matuling tumatakbo. Bakas ang takot. May kaba. May hawak
siyang kutsilyo. Punong-puno ng dugo. Sariwang dugo. Tumingin ako sa paligid.
Wala akong nakitang ibang tao maliban sa lalaking iyon. Natitiyak ko na may
masama siyang ginawa. Umalis ako sa aking kinahihigaang karton. Iniwan ang
latang walang lamang anomang barya. Nagtaka ako.
Binalewala. Kinuha ko ang damit ko. Marumi. Butas-butas. Sinundan ko ang
lalaki. Sinundan ko ang mga patak ng dugo. Naglakad nang tuloy-tuloy.
Nakita ko ang isang babaeng
nakaupo sa isang upuan. Malapit sa kalsada. Nasa ilalim ng waiting shed na may mukha at dilat na dilat na pangalan ng isang
kilalang politiko. Tinanong ko kung may nakita ba siyang dumaan na lalaking
balisa. Bigo ako, hindi niya ako pinansin. Inulit ko. Tinanong ko siya sa
ikalawang pagkakataon. Bigo pa rin akong makakuha ng sagot. Inisip ko kung ano
ang mali.
Nagpatuloy ako sa paglalakad.
Patuloy na sinusundan ang mga patak ng dugo. Napansin kong papawala ang mga
patak ng dugo. Tumatabang ang kulay nito na pula.
Natanaw ko ang isang nagbebenta
ng saging, isang lalaki. Nasa edad trenta’y singko. Nilapitan ko.
“Ang laki naman ng saging mo,”
pabiro kong sabi.
Hindi siya kumibo. Tinanong ko
siya kung may napadaan ba na lalaki sa lugar na ito na kahina-hinala ang kilos. Bigo rin akong
makakuha ng sagot. Wala siyang naging tugon. Maaari na ikinagalit niya ang
naging pagbibiro ko. Na baka dahil sa gusgusin ako kaya hindiya niya ako
pinapansin. Maaaring nadidiri siya. Iba-ibang pagpapalagay sa sarili.
Hindi ko na alam kung saan na
napadpad ang lalaki. Hindi ko nagawa pang sundan. Paiko-ikot ako. Naisipan kong
bumalik sa lugar na kinaroroonan ng higaan kong karton.
Pagbalik ko, nagsisiksikan ang
mga tao. May lalaki, may babae, may matatanda at mga bata. Maingay ang kaninang
tahimik na lugar. May pagtataka.
“Ano kaya ang meron dito (?)” tanong ko sa sarili ko.
Palibahasa maliit ako, nagawa
kong makasingit. Pagdating ko sa harap, mabilis na naalala ko ang lahat ng
nangyari kanina. Ang higaan ko na karton. Ang aking latang walang anoman na
lamang barya. Naaalala ko na ang lahat. Lumapit ako sa aking katawan na
nakahiga sa karton na higaan ko. Humiga katabi nito.
Muli kong ipinikit ang aking mga
mata. #
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento