Mga Pahina

Miyerkules, Agosto 19, 2015

Ang mga Alaala ni Abner



Ang mga Alaala ni Abner
Sa panulat nina Maria Harnet Delmo at Russel Anne Silvestre

Isang matandang lalaki ang nakaupo sa isang lumang kama. Siya si Abner. Kanina pang nakatingin sa bintana. Nasilayan ang sikat ng araw. Tumatagos sa malalaki at maliliit na mga dahon ng iba-ibang puno. Nakita niya ang mga paruparo. Malayang nakalilipad. Naglalaro. Naghahabulan sa hangin. Naririnig din niya ang huni ng mga ibon. Iba-ibang lahi ng ibon. Paminsan-minsan, naririnig din niya ang matinis na ingay na nagmumula sa mga kawayan. Unti-unting bumalik ang mga piraso ng kaniyang alaala.
Inilipat niya ang kaniyang paningin sa kisame. Kulay puting kisame. May mantsa na kulay dilaw. Nakita niya ang pinakamalapit niyang kaibigan. Nakita rin niya ang isang grupo ng batang lalaki. Kinakantiyawan ang matalik niyang kaibigan. Sabay-sabay na nagtatawanan. Nakita rin niya ang kaniyang sarili. Papalayo sa tagpong iyon. Nagmamadaling lumayo. Sunod-sunod ang malalaking hakbang.
Nagpatuloy ang kaniyang paglalakad. Nakita niya ang mangilan-ngilan na nagkukumpulang mga tao sa isang bahagi ng lungsod. Nagsisigawan. Nagtatawanan. Maririnig ang ilang masasakit na salita. Lumapit siya bagaman at natatakot. Nakita niya ang isang matandang lalaki. Duguan ang suot na mangitim-ngitim na puting damit pang-itaas. Duguan din ang kaniyang ulo. Gasgas ang kaniyang mga siko. Nakalugmok. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa matanda. Narinig niya ang paisa-isang sigaw ng taumbayan.
“Magnanakaw! Magnanakaw! Magnanakaw!” sunod-sunod na sigaw ng isang talubata na lalaki. Galit na galit. Nang akmang pupulot ng isang bato para ibato sa matanda kaagad tumakbo si Abner. Tuloy-tuloy siya pagtakbo. Mabilis na mabilis. Hingal na hingal siya. Pilit nililimot ang mukha ng matanda.
Habang tumatakbo, may nakasalubong siyang isang babae at isang lalaki. Magkarelasyon marahil. Malambing sa bawat isa. Narinig niyang nagsalita ang babae. Napahinto siya sa pagtakbo.
“Nag-resign na ako sa trabaho para matiyak ko na ang lahat ng panahon ko ay maitutuon ko lamang sa ‘yo,” ang sinambit nang malamig na tinig ng babae. Walang naging tugon ang lalaki.  Nanatili siyang nakahinto samantalang nagpatuloy sa paglalakad ang babae at ang lalaki na kaniyang nakasalubong. Siya si Abner.
Naaalaala niya ang lahat. Ang batang lalaki, ang talubatang lalaki na akmang mambabato sa matanda sa lungsod, at ang lalaking kasama ng babae. Siya si Abner. Punong-puno siya ng pagsisisi.
Sa wakas, ipinikit niya ang kaniyang mga mata, pagod na pagod na siya. #


Miyerkules, Agosto 5, 2015

Note (Isang Dagli)


Note
Florence Therese Barrameda


Nagrerebolusyon ang utak ko.
Ayoko na, suko na ako,” sunod-sunod na sigaw ng utak ko. Napapikit. Muling idinilat ang mga mata ko. Naghintay sandali. Hinintay makapag-adjust sa dilim ng kuwarto ko. Gabing-gabi na. Mahimbing na natutulog na ang mga tao na nasa kabilang kuwarto. Tumingin sa kisame. Kulay puti. Nag-isip ng mga bagay na gustong mangyari. Kung ganoon, himala ang kailangan ko (mala-Nora Aunor). Tumayo ako. Agad na naramdaman ang lamig na nanggagaling sa aircon. Sa bawat yapak ko, pabigat nang pabigat ang nararamdaman ko. Nagsusumigaw ang mga sugat gaya ng sigaw sa utak ko.
“Bakit ko pa hindi tapusin?” muling tanong na nanggaling sa utak ko. Totoong hindi ko na kaya. Wala ni kakarampot na pag-asa. Pumunta ako sa banyo. Humarap sa salamin. Malabong mukha ko ang nakita ko. Nauupos. Patuloy na lumabo. Hindi na ang mukha ko ang nakikita ko kundi ang sa kanila. Bingi na rin ang mga pandinig ko. Pagod na rin ang paningin ko sa mga post sa Twitter, Facebook at Instagram. Ang mga salitang nagdulot ng mga sugat mayroon ako.
Tama na, ayaw ko na.
Tatapusin ko na lamang ito. May ngiti sa labi ko.

Ma, Dad, I'm sorry. #

Lunes, Agosto 3, 2015

Ang Karton at ang Lata



Ang Karton at ang Lata
ni John Arnon Catapang


Iminulat ko ang mga mata ko. Nakita ko ang isang lalaking matuling tumatakbo. Bakas ang takot. May kaba. May hawak siyang kutsilyo. Punong-puno ng dugo. Sariwang dugo. Tumingin ako sa paligid. Wala akong nakitang ibang tao maliban sa lalaking iyon. Natitiyak ko na may masama siyang ginawa. Umalis ako sa aking kinahihigaang karton. Iniwan ang latang walang lamang anomang barya. Nagtaka ako. Binalewala. Kinuha ko ang damit ko. Marumi. Butas-butas. Sinundan ko ang lalaki. Sinundan ko ang mga patak ng dugo. Naglakad nang tuloy-tuloy.

Nakita ko ang isang babaeng nakaupo sa isang upuan. Malapit sa kalsada. Nasa ilalim ng waiting shed na may mukha at dilat na dilat na pangalan ng isang kilalang politiko. Tinanong ko kung may nakita ba siyang dumaan na lalaking balisa. Bigo ako, hindi niya ako pinansin. Inulit ko. Tinanong ko siya sa ikalawang pagkakataon. Bigo pa rin akong makakuha ng sagot. Inisip ko kung ano ang mali.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Patuloy na sinusundan ang mga patak ng dugo. Napansin kong papawala ang mga patak ng dugo. Tumatabang ang kulay nito na pula.

Natanaw ko ang isang nagbebenta ng saging, isang lalaki. Nasa edad trenta’y singko. Nilapitan ko.

“Ang laki naman ng saging mo,” pabiro kong sabi.

Hindi siya kumibo. Tinanong ko siya kung may napadaan ba na lalaki sa lugar na ito  na kahina-hinala ang kilos. Bigo rin akong makakuha ng sagot. Wala siyang naging tugon. Maaari na ikinagalit niya ang naging pagbibiro ko. Na baka dahil sa gusgusin ako kaya hindiya niya ako pinapansin. Maaaring nadidiri siya. Iba-ibang pagpapalagay sa sarili.

Hindi ko na alam kung saan na napadpad ang lalaki. Hindi ko nagawa pang sundan. Paiko-ikot ako. Naisipan kong bumalik sa lugar na kinaroroonan ng higaan kong karton.

Pagbalik ko, nagsisiksikan ang mga tao. May lalaki, may babae, may matatanda at mga bata. Maingay ang kaninang tahimik na lugar. May pagtataka.

“Ano kaya ang meron dito (?)” tanong ko sa sarili ko.

Palibahasa maliit ako, nagawa kong makasingit. Pagdating ko sa harap, mabilis na naalala ko ang lahat ng nangyari kanina. Ang higaan ko na karton. Ang aking latang walang anoman na lamang barya. Naaalala ko na ang lahat. Lumapit ako sa aking katawan na nakahiga sa karton na higaan ko. Humiga katabi nito.


Muli kong ipinikit ang aking mga mata. #

Ukol sa mga Manunulat at Editor


Tungkol sa mga manunulat


Pierre Banzon

Kasalukuyang nasa ikasiyam na baitang na kinahihiligan ang larangan ng sports lalo na ang cycling at skateboarding. Matagumpay niyang natamo ang karangalan na Emergent Athlete Award noong taong panuruan 2014 hanggang 2015. Maliban dito, natamo rin niya ang karangalan na Emergent Performance Award sa nabanggit din na taon.


Ralph Andrew Buenaventura

Kasalukuyan din siyang nasa ikasiyam na baitang sa taong panuruan na ito. Isang student leader. Nakapagtamo ng parangal na Emergent Performer sa pagtatapos ng taong panuruan 2014 hanggang 2015. 


John Arnon Catapang

Naglilingkod bilang isang student leader sa kasalukuyan. Isang mathematician at abala sa larangan ng sports partikular ang cycling. Natamo niya ang karangalan na Emergent Athlete Award sa loob ng dalawang magkasunod na taon (taong 2014 at taong 2015). Dahil sa kaniyang husay sa disiplina ng Mathematics pinarangaln siya ng Emergent Mathematician noong taong 2014.  


Maria Harnet Delmo

Isang mahusay na manunulat sa genre ng sanaysay. Mahusay sa larangan ng sining lalong higit sa larang ng visual arts. May angking husay din sa larang ng musika na katunayan, natamo niya ang 1st runner up sa kaniyang klase sa larang ng musika. Maliban din dito, natamo niya ang karangalang With Honors sa nagdaang taong panuruan at Subject Excellence


Francesca Raine Destajo

Isang student leaderKasalukuyang nasa ikasiyam na baitang. Pinarangalan bilang High Honors sa mga taong 2014 at taong 2015. Samantalang noong taong panuruan 2014-2015 matagumpay niya na natamo ang karangalan na Best in Mathematics. Maliban sa usaping pang-akademiko, natamo rin niya ang karangalang 1st Runner Up sa isinagawang Ms. United Nation (UN) bilang pagdiriwang nito noong taong 2014.


Jasper Gallos

Kasalukuyang nasa ikasiyam na baitang. May angking husay sa larang ng visual arts. Dahil sa pagpupursige kinilala siya bilang Most Improve sa nakaraang taong pang-akademiko at karangalang Emergent Performer.


Kristine Irish Mendoza

Isang manunulat. Kasalukuyang nasa ikasiyam na baitang. Nakapagtamo ng karangalan na Most Diligent noong mga taong 2014 at 2015. Mahusay din sa larang ng visual arts na nakapagtamo ng karangalan. Dahil sa kaniyang dedikasyon sa pagsulat ginawaran siya ng Emergent Writer noong taong 2013.


Russel Anne Silvestre

Isang alagad ng musika. Paminsan-minsan pinagkakaabalahan niya ang pagsulat ng maikling mga katha. Dahil sa kaniyang hilig sa musika, natamo niya ang karangalan na Emergent Musician sa taong ito (2015) at gawad Music Enthusiast.


Mari Erika Antonia Singson

Isang honor student. Kinilala bilang Top 1 sa klase noong taong 2013. Kilala rin sa kaniyang husay sa pagsulat na nakakuha siya ng 2nd runner sa isang kumpetisyon sa kaparehong taon. Mahusay din sa pagsayaw at pag-arye. Natamo ang karangalan na Emergent Performer sa pagtatapos ng taong pang-akademiko 2014 hanggang 2015. 


Tien Mari Cabreros

Maituturing na isa sa may malawak na pagtingin sa larang ng disiplina ng Mathematics. Hinirang bilang Emergent Mathematician noong 2014. Ganoon din hilig din niya ang sports na dahilan para kilalanin din siya bilang Emergent Athlete sa kaparehong taon. 


Krizia Beatrice De Leon

Isang atleta sa larang ng paglangoy (swimming). Nakapagtamo ng 1st place sa Butterfly Stroke 100 meters at 2nd place sa Breaststroke 50 meters. Maliban dito, mahusay din siya sa larang ng pagsulat ng sanaysay at malikhain sa larang ng visual arts lalo na sa pagpipinta. 


Clementine Villongco

Kinahihiligan ang pag-awit at pagtatanghal sa teatro. Mahusay sa larang ng creative writing. Dahil sa kaniyang taglay na husay sa tanghalan natamo niya ang karangalan na Emergent Performer at Performance Arts sa pagtatapos ng taong pang-akademiko 2014-2015. Samantalang sa larang naman ng pag-awit, natamo niya ang 2nd place sa isang timpalak sa pag-awit noong taong 2013.


Florence Therese Barrameda

Isang student leader. Nakapagtamo ng karangalan na Most Diligent noong mga taong 2014 at 2015. Ginawaran ng parangal na Emergent Performer sa pagtatapos ng taong pang-akademiko 2014 hanggang 2015. May mahusay na kaalaman sa pagsulat na maiikling akda at kasanayan sa visual arts.



Nicolas Completo Gaba Jr.
(Editor)

Isang guro sa high school at kolehiyo sa kasalukuyan. May tatlong taon ng karanasan sa pagtuturo iba't ibang disiplina gaya ng Filipino, Panitikang Filipino, Antroplohiya at Sosyolohiyang Filipino, at Humanities. Ginawaran ng parangal na Most Outstanding Student ng Polytechnic University of the Philippines noong taong 2013. Pinarangalan din sa nasabing taon ng Most Outstanding Scholar of the Year sa College of Arts and Letters ng nasabi ring pamantasan. Naging editor-in-chief ng Pahatid Kalatas na opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Kagawaran ng Filipinolohiya sa PUP. Humawak din ng iba't ibang posisyon sa Ugnayan ng Talino at Kagalingan sa loob ng halos tatlong taon.        

Martes, Hulyo 28, 2015

Ang Estado ng Wikang Filipino

Sa pananaliksik at panulat ng mga mag-aaral na sina Banzon, Buenaventura, Catapang,Delmo, Destajo, Gallos, Mendoza, Silvestre, Singson, Cabreros, 
De Leon,Villongco, at Barrameda

Editor: Nicolas Completo Gaba Jr.



Sisimulan ang papel na ito sa pamamagitan ng isang paglilinaw na dapat mabigyang-konsiderasyon. Ang paglilinaw na ito ang magsisilbing saklaw at limitasyon ng pagsusuri na ito. Una, tinatangka ng papel na ito na mailahad ang ilan sa mahahalagang ideya na inilahad sa isang segment ng Investigative Documentaries na unang ipinalabas sa telebisyon noong Agosto 7 ng taong 2014. Ikalawa, ilalahad din sa papel na ito ang personal na pananaw at emosyon ng mga mananaliksik tungkol sa tinatalakay na paksa ng nabanggit na dokyumentaryo.

Una, nililinaw ng papel na ito na hinango sa dokyumentaryo na binanggit sa itaas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wika sa isang tao at isang bansa na nagsisilibi bilang pagkakakilanlan o identidad nito. Partikular na mapupuna na sinasalamin ng wika ang kultura ng isang bansa. Sa teksbok.blogspot.com (2010) isinaad ang tuwirang ugnayan na wika at kultura. Na ang wika bilang kultura ay koliktibong kaban ng karanasan ng tao sa tiyak na lugar at panahon ng kaniyang kasaysayan. Na sa isang wika makikilala ng bayan ang kanyang kultura at matututuhan niya itong angkinin at ipagmalaki[1]. May symbiotic relationship ang wika at ang kultura, kung walang kultura maaari na walang maituring na wika na sa kabilang banda, sinasalamin naman ng kultura ang anomang wika, vice versa.

Habang sa pananaw ni Prop. Jimuel Naval, kilala na dalubhasa sa wika at kulturang popular, na nakapanayam at naging bahagi ng dokyumentaryo, kung pakasusuriin, ang wika ay nagsisilbing kaluluwa ng isang bansa at tanda ng kasarinlan nito. Upang makita ang kahalagahan at kabuluhan ng wika epektibo na gamitin natin na kasangkapan ang dulog deconstruction, kung mawawala ang wika, walang kaluluwa ang ating bansa, walang buhay at walang palatandaan ng kasarinlan.

Maliban dito, sa panayam (2015) sa isang kasalukuyang propesor sa Pamantasang De La Salle na si Dr. Genevieve Asenjo binanggit niya na ang wika ay binigyang kahulugan ng sosyalistang German na si Karl Marx bilang kamalayang praktika (practical consciousness) na ang nais sabihin ang wika ang puwersa na nagtutulak sa tao para gumawa o lumikha[2]. Sa madaling sabi, ang wika ang nagtutulak sa bawat indibiduwal upang kumilos.

Sa piling bahagi ng sanaysay ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura na si Bienvenido Lumbera (2007) ipinahayag niya na parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito. Palatandaan ito na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapuwa nating gumagamit din dito. Sa bawat pangangailangan natin ay gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang kailangan natin—kung nagugutom, humihingi ng pagkain; kung nasugatan, dumadaing upang mabigyan ng panlunas; kung nangungulila, humahanap ng kausap na makapapawi sa kalungkutan.[3] 

Sa naging pahayag na ito ni Lumbera, makikita ang kabuluhan at saysay ng wika. Nagiging kasangkapan ang wika upang maipahayag at maipabatid ang pangangailangan ng bawat indibiduwal. Usapin ng survival ang wika. 

Samantala, ang wika ay mahalagang iugnay sa literasiya lalo na kung susuriin ito bilang mahalagang aspekto ng edukasyon, politika at ekonomiya ng bansa. Ang literasiya ay hindi lamang pagkatuto kundi pagkatuto sa wika upang maging kapaki-pakinabang ang mamamayan sa lipunan.[4]

Pinagbatayan ng dokyumentaryo ang ilan sa mahahalagang estatistika na naging resulta ng mga nagdaan na National Achievement Test o NAT na pangkaraniwang panukatan ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa antas ng elementarya at sekondarya sa sistema ng edukasyon sa bansa sa mga taon na 2011 hanggang 2013.

Isinaad na noong taong 2011 sa antas ng elementarya nasa 76.44 na bahagdan ang average score ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino habang 65.11 na bahagdan ang average score sa English sa parehong taon. Mula sa estatistika, mahihinuha na malaki ang kaibhan ng marka ng dalawang asignatura, higit na mas mataas ang marka sa NAT ng asignaturang English sa nabanggit na taon.  

Subalit sa sumunod na taon (2012), ang dating 76.44 na bahagdan ng average score ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino ay biglang bumagsak sa 69.15 na bahagdan sa antas ng elementarya. Samantalang ang dating 65.11 na bahagdan ng average score ng mga mag-aaral sa asignaturang English ay bahagyang tumaas sa 66.27 na bahagdan sa antas pa rin ng elementarya; at noong taong 2013, ang dating 69.15 na bahagdan ng average score ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino ay umakyat sa 72.41 na bahagdan sa antas elementarya. Habang ang dating 66.27 na bahagdan ng average score sa English noong 2012 ay naging 67.12 na bahagdan naman. 

Mula sa estatistika, mahihinuha na hindi stable ang kalagayan ng literasiya sa asignaturang Filipino ng mga mag-aaral na nasa elementarya, tumataas-bumababa-tumataas, na taliwas sa asignaturang English. Mapapansin na sa mga nabanggit na taon, patuloy na tumataas ang average score ng mga mag-aaral sa antas elementarya sa asignatura na English.

Dagdag pa, sa National Achievement Test ng ikatlong baitang noong taong 2013 pa rin, higit na mababa ang resulta na marka ng mga mag-aaral sa elementarya sa asignaturang Filipino na 53.38 bahagdan sa pagbasa at 56.43 bahagdan sa pagsulat. Habang 57.51 bahagdan sa pagbasa at 62.86 na bahagdan ang average score ng mga naturang mag-aaral sa asignaturang English.

Sa antas ng sekondarya, lumalabas sa naging reuslta ng National Achievement Test na nasa 58.04 bahagdan lamang ang average score ng mga mag-aaral sa Filipino sa asignaturang Filipino noong tong 2013 na higit na mas mataas kaysa 53.04 na bahagdan na average score sa asignaturang English. Dahil dito, nakababahala para sa mga dalubhasa sa wika at sa akademiya ang resulta na ito lalo na sa pananaw ni Dr. Michael San Juan na siya ring tagapangulo ng Tanggol Wika.

Nakababahala ang sinasabi ng resulta ng National Achievement Test dahil nangangahulugan ito na mababa ang pagkaunawa ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino na kung tutuusin, inaasahan na mas mataas sana ang average score ng mga mag-aaral sa asignatura na Filipino na ang pangunahing midyum sa pagtuturo (medium of instruction) ay ang wikang Filipino mismo.

Pagbabalik sa Kasaysayan

Pahapyaw na tinalakay sa dokyumentaryo ang ilan sa maituturing na mahahalagang mga pangyayari sa kasaysayan ng pagkakaroon at pagtatatag ng wikang Filipino. Mahaba, masalimuot at patuloy na nagbabago ang wikang Filipino sa sumasalamin sa kasaysayan nito na nabanggit ni Dr. Virigilio Almario, isang Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura, napakalaki na ng kaibahan ng wikang Filipino mula sa mga unang panahon nito. Mailalarawan sa paraan na may dilemma ang kasaysayan ng wikang Filipino. Dulot ng pagpapalit ng administrasyon, mapupuna na may mga bahagi ng kasaysayan na napapabayaan ang pagpapabuti ng wikang Filipino na hindi naman maitatanggi na may mga bahagi rin sa kasaysayan na mababakas ang pagkalinga at pagmamalasakit sa nasabi pa ring wika.

Maiuugnay ang kasaysayan ng wikang Filipino sa kasaysayan ng kasalukuyan na Komisyon sa Wikang Filipino. Sa isang artikulo na nasa opisyal na website ng komisyon ang unang isinulat ni Direktor Heneral Roberto Añonuevo una niyang tinanong ang katotohanan ng pagkakasaad ng “Filipino as the National Language 1935” sa pinakabagong dalawampung pisong papel na umiiral sa Pilipinas.

Tuwiran niyang sinabi na hindi makatotohanan ang mga kataga na ito na nasa dalawampung pisong papel. Inihayag ni Añonuevo Hindi na hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas na naging daan upang umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin)[5].

Sa punto na ito ni Añonuevo, kung noong 1935 ay itinakda pa lamang o tinagubilinan pa lamang ng noon ay dating Pangulong Manuel L. Quezon ang asemblea na gumawa ng hakbang maliwanag na walang kahit anong institusyon at/o ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa rito. Lalo wala ring maituturing na pambansang wika sa panahon na ito. Bagkus noong taong 1937 pa lamang naideklara ang wikang Tagalog bilang kauna-unahang wiika na sinasabing magiging batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas[6]

Milestone na maituturing ang pangyayaring ito na naging simula pa lamang nang mahaba na kasaysayan ng wikang Filipino. Noong taong 1959, sa pamamagitan ni Kalihim Jose Romero, kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon tinawag na “Pilipino” ang “Wikang Pambansa” ng Pilipinas. Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.”

Matapos “magtagumpay” ng rebolusyong EDSA, noong 1986, nakiisa ang noon na Surian ng Wikang Pambansa sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986 na kabubuo pa rin lamang noon, at sa nabanggit na konstistusyon, kinilala sa katawagan na Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas. Inilakip sa naturang saligang batas na ang wikang Filipino ay marapat na linangin, pagyabungin at papagyamanin na itinatagubilin din na marapat itong nakasalig sa mga katutubong wika na umiiral sa bansa.

Ganito ang tuwirang sinabi ng Artikulo XIV ng Saligang Batas 1987 patungkol sa kikilalanin na wikang pambansa ng Pilipinas:  
“SEK.6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod.”[7] ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Ang Mag-aaral bilang Biktima ng Sistemang Edukasyonal

Nabanggit sa dokyumentaryo ang ilan sa mga kautusang tagapagpaganap at/o pang-ehekutibo na ipinatupad sa mga nakaraang administrasyon na patungkol sa paggamit ng wikang Filipino bilang medium of instruction o wikang pangunahing panturo sa alinmang antas sa sektor ng edukasyon patunay na ang itinatagubilin ng kasalukuyang konstitusyon umiiral. Nakatutugon ang tagubilin ng saligang batas sa pagpapaunlad ng wikang Filipino na kabaliktaran sa itinatakda ng Executive Order No. 210 na mistulang pagtalikod sa wikang Filipino bilang wikang panturo bagkus ang pagtangkilik sa wikang English at paggamit dito bilang medium of instruction sa mga paaralan na ipinalabas noong 2003 sa panahon ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Makalipas ang sampung taon, msitulang nauulit ang madilim na kasaysayan sa wikang Filipino, ipinalabas ng Commission on Higher Education ang CHED Memorandum No. 20 na nag-aalis sa mga asignaturang o disiplinang Filipino at Panitikang Filipino sa antas ng tersiyarya. Nagbunsod ang naturang memorandum ng tensiyon sa loob ng akademiya lalo na sa tersiyarya. Sa pananaw ng ibang mga iskolar, pinapatay nito ang oportunidad ng maraming mga nagtuturo sa kolehiyo, isang malawakang pagkawala ng hanapbuhay.[8]

Maliban sa pagpatay sa oportunidad at hanapbuhay ng maraming mga guro sa kolehiyo, ito ay tuwiran ding pagpatay sa matagal na panahong pinanday na wikang Filipino.
Upang masukat ang kasanayan ng mga mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino, isang eksperimento ang isinagawa na nakapaloob sa dokyumentaryo. Sa nabanggit na eksperimento, aalamin kung may kakayanang tumbasan ng katawagan sa Filipino at English ang mga larawan na ipakikita sa mga respondente. Ang mga respondente ay mga may-aaral na nasa ikatlong baitang sa isang hindi pinangalanan na paaaralan na ang ginagamit na wikang panturo ay ang wikang English.

Lumabalabas na nasa 90 bahagdan ang average score ng mga respondente sa English samanatalang 77.5 bahagdan lamang sa Filipino. Lumalabas din na lahat ng mga mag-aaral ay naunang sumagot sa wikang English kaysa Filipino. Gayundin, 90 bahagdan ng mga mag-aaral ay alam o unang nabatid kung ano ang tawag sa wikang English at nababatid ang tawag sa katawagan sa Filipino ng mga bagay na ipinakita sa eksperimento.

Bilang pagpapaliwanag pa rin Dr. Buenvenido Lumbera ang senaryo na ito ay hindi nakapagtataka sa kadahilanan na maging sa loob ng kinamulatan at kinalakihan na tahanan, mas una at higit na sinasanay ang mga bata na makipag-usap na ang wikang English ang ginagamit na sinasalungat ng ilan pa rin sa mga dalubhasa sa wika.

Ipinahayag ng ilan sa mga dalubhasa sa wika na sina San Juan, Naval, Almario at Lumbera na hindi marapat at katanggap-tanggap na sa wikang English unang matuto ang mga mag-aaral lalo na at walang maayos na sistema ng pagtuturo ng wika ang umiiral sa Pilipinas, nakikita ito bilang isang malaking problema para kay Naval. Maling ideya rin para kay Naval na aralin ang wikang English bilang unang wika o first language, marapat na aralin ito bilang second language lamang sa kadahilanan na hindi ito ang mother tongue language ng mga Pilipino.

Samantalang binigyang-diin ng nabanggit na mga iskolar lalo’t higit ni Almario na ang wika ay pinag-aaralan taliwas sa ideolohiya ng iba na hindi na marapat pang pag-aralan at pagtuunan ng pansin ang wikang Filipino sa kadahilanan na likas ito sa ating mga Filipino. Kung babalikan, una ng sinabi sa papel na ito na nakaugat sa kultura ang wika at ang kultura ay inaaral.

Pagsipat

Sensetibong usapin ang Filipino. Mula sa proseso ng pagkakapili rito bilang wikang pambansa hanggang sa kasalukuyan. Bilang isang Filipino na gumagamit ng wikang Filipino, isa sa inaasahan sa atin na lingapin, pangalagaan at pahalagahan ang wikang Filipino. Kung nagsisilbi bilang kaluluwa at identidad ng isang bansa ang isang wika at hahayaan natin na isantabi, unti-unting mamatay ang wikang Filipino, sa ganitong senaryo, hindi natin maitatanggi na tayo na rin mismo ang pumatay sa sarili nating mga kaluluwa at bumura sa sarili nating identidad.

Kapuwa mahalaga ang wikang English at lalo na ang wikang Filipino sa pang-araw-araw natin na pamumuhay at pakikibagay sa lipunan na kinabibilangan natin. Hindi natin itinatanggi ang kapakinabangan ng wikang English bilang wika na higit na ginagamit sa usapin ng edukasyon sa bansa lalo na sa disiplina ng Science at Mathematics. Maliban dito, maging sa usapin ng globalisasyon, ganoon na lamang ang pagpapahalaga sa wikang English. Totoo na mahalaga ang wikang English ngunit hindi ito pasaporte na talikuran natin ang wikang Filipino. Bagkus, marapat na papagyamanin muna natin ang wikang Filipino na wika na maituturing nating kaluluwa at wika ng ating identidad, ang pagtitiyak sa kabutihan nito, ang pagtitiyak sa ikauunlad na ito at ang pagtingkilik sa wikang Filipino ang unang marapat nating isaalang-alang. Pagbutihin ang sistema ng pagtuturo ng wika sa bansa.

Nasa panganib ang wikang Filipino, tayo lamang ang makapagsasalba rito. #


[1] http://teksbok.blogspot.com/2010/08/kahulugan-at-katangian-ng-wika.html
[2] Papel na binasa sa Pambansang Seminar sa Pagtuturo ng Panitikang Gender-Based ng Komisyon sa Wikang Filipino sa GSIS, Teatro GSIS-Pasay, Mayo 6, 2015
[3] Lumbera, Bienvenido. (2007).  Ang Wika ay Kasangkapan ng Maykapangyarihan: Ang    Wika    Bilang    Instrumentong    Politikal  nasa  http://avhrc-kultura.blogspot.com/2007/08ang-wika-ay-kasangkapan-ng.html.
[4] Nasa pahina 64 ng librong Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan na pinamatnugutan nina Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza, University of the Philippines Press, 1996.
[5] http://kwf.gov.ph/test/kasaysayan/
[6] http://kwf.gov.ph/test/kasaysayan/
[7] http://www.gov.ph/downloads/1987/02feb/19870211-Konstitusyon-CCA.pdf
[8] http://varsitarian.net/filipino/20140822/pag_aalis_ng_filipino_sa_kurikulum_ng_kolehiyo_tinutulan